Tuesday, March 18, 2008

I. Introduksyon ng Research Paper

Ang kabataan ang isa sa mga unang naiimpluwensyahan kung paguusapan ang mga pangyayari sa ating lipunan. Ang mga kabataan din ang una sa mga nagbibigay ng kanilang mga opinion sa mga bagay na inilalabas at inilalahad sa buong madla. Kung kaya’t hindi kataka-taka kung bakit paboritong paksa ng mga mananaliksik ang mga kabataan.
Ang mga kabataan, lalo na ang mga nasa pito hanggang labimpitong taong gulang, ay isa sa mga grupo na maituturing na busy pagdating sa mga gawain. Hindi na nakakapagtaka kung bakit ang grupong ito ay mabilis na ma-stress at mapagod.

Isa sa mga paraan kung saan ang grupong ito ng kabataan ay nag-aalis ng kanilang stress ay sa pamamagitan ng pagsali sa mga sports, pakikinig ng music, at paglilibang, katulad ng panonood ng telebisyon, pagguhit, at iba pa.

Ang panonood ng telebisyon ay tunay na isa sa mga pinaka-laganap at pinaka-kinahihiligan ng mga kabataan. Bakit nga ba? Ito ay dahil sa dito ay nakikita ng mga kabataan ang iba’t ibang mukha ng buhay. May masaya, may malungkot, may kapanapanabik, at may nakakatakot, at kung titignan, ang mga kabataan ay nakakapulot dito ng mga aral o hindi kaya ay mga ugali naman na masama. Ganito kalakas ang impluwensya ng telebisyon sa mga kabataang nasa grupon ng mga pito hanggang labimpitong taong gulang.

Ang anime ang isa sa mga programang malimit na pinapalabas sa telebisyon. Hindi lamang dahil sa nakakatuwa ito panoorin dahil mukha talaga silang tunay na tao, ito ay dahil na rin sa nagpapakita sila ng mga kakaibang istorya na nakakapagtakang nakakasundo ng kabataan at manonood.

Ito ang dahilan kung bakit ang mga mananaliksik ay pinili ang anime at kabataan bilang paksa. Kagustuhan kasi ng mga mananaliksik na malaman kung ano ang epekto ng labis-labis na panonood ng anime sa kabataang nasa pito hanggang labimpitong taong gulang. Marahil na rin sa hindi ito gaanong napagtutuunan ng pansin ng mga tao kung kaya’t oras na siguro na tayo ang mag-aral nito.

Rebyu ng mga Pag-aaral

Ayon sa mga psychologist, ang ikinikilos ng isang bata ay nababatay sa mga pangyayaring kanyang naoobserbahan sa kanyang kapaligiran. Ang telebisyon, kung saan ipinapalabas ang iba’t-ibang programa kasama na ang anime, ay mayroong malaking impluwensya sa mga batang may murang kaisipan.

“Ipinakikita ng mga pagsusuring isinagawa ng mga dalubhasa ng Yale University na ang patuloy na panonood ng telebisyon ng mga batang malapit ng tumuntong sa paaralan ay nagiging mapusok dahil sa sila ay nakakapanood ng mararahas na palabas sa telebisyon habang abala sa mga gawaing bahay ang kanilang mga ina. Isa pa, ang lakas ng impluwensya ng telebisyon ay nagpapangyari sa isang bata na magkaroon ng pagkaantala sa kakayahang magbasa. Kaya ipinapayo ng mga dalubhasa na ang 30 minutong panonood ng telebisyon ay sapat lamang sa loob ng isang araw.” Kung walang patnubay ang mga bata sa kanilang mahabang oras ng panunood ng anime ay maaaring makapagdulot sa kanila ito ng ganitong kalagayan. Sa mga mata ng bata, ang lahat ng nangyayari sa kanilang napapanuod ay tila totoo. Kung mayroon mang patnubay ng magulang, dapat ay sabihan ang kanyang anak sa mga nangyayari sa kanyang pinapanuod upang ito’y maunawan ng bata (http://www.abante.com.ph/issue/jan1207/istayl1.htm).

Layunin

Layunin ng mga mananaliksik ang mga sumusunod:

~makagawa ng isang epektibong pananaliksik tungkol sa Anime at ang ilang epekto nito sa kabataan.
~makapagbigay ng ilang solusyon sa mga negatibong epekto nito sa kabataan.
~maipahayag ng malinaw ang ilang kaisipan ukol sa Anime.
~matukoy ang mga klase ng kabataang nahuhumaling sa Anime.
~matukoy kung ang Anime nga ba ay isang mabuti o masamang halimbawa ng media.

Halaga

Sa pagsusuring ito, nais ipahayag ng mga mananaliksik na ang Anime ay may naibibigay na negatibo at positibong epekto sa mga kabataan. Nais din nilang maipaalam na mayroong mga aral na nakapaloob sa mga kwentong ito. Mahalaga rin ang pananaliksik na ito sapagkat hindi lamang ang mga mananaliksik ang magiging mulat sa mga epekto ng Anime, kung hindi pati na rin ang mga mambabasa.

Metodolohiya

Upang masinop nang mabuti ang paksa, ang mga mananaliksik ay naghanap ng mga materyales na maaaring magamit o makatulong sa kanilang pananaliksik. Naghanap sila ng iba’t ibang website na may kaugnayan sa kanilang paksa. Nagtala rin sila ng survey kung saan ay mabibigyang pagkakataon ang mga tao na bumoto at pumili ng sagot na kanilang gusto na may koneksyon sa Anime at kabataan ngayon.

Ang mga mananaliksik ay nagobserba rin na mga batang naaayon sa edad na binanggit sa papel upang lalong makita ang mga kabutihan at kasamaan na naidudulot ng kanilang paksa.

Saklaw at Delimitasyon

Ang mga mananaliksik ay nagtakda ng delimitasyon sa pagaaral nito. Ang mga inoobserbahan na kabataan ay nagmumula lamang sa pangkat ng may pito (7) hanggang labimpitong (17) taong gulang. Ang mga mananaliksik ay nagtuon lamang din ng pansin sa Maynila bilang lugar ng pagaaralan.

Ang pagaaral na ito ay may sakop lamang ng kung ano ang mga epekto ng labis-labis na panonood ng anime sa telebisyon. Kasama na dito ang positibo at negatibong epekto sa kabataan ng nasabing pangkat.

Daloy ng Pag-aaral

Mayroong mga positibo at negatibong epekto ang sobrang panonood ng anime sa mga kabataang Pilipino. Sa mga panahong masyadong maraming problemang hinaharap ang bansa, mas nanaising ngumiti at limutin ang tunay na mundo tulad ng nangyayari sa mga kabataang nahihilig sa anime.

Ipinapakita ng ibang pag-aaral na ang ikinikilos ng kabataan ay nababatay sa mga nangyayari sa kanyang paligid. Iba’t-ibang kabataan na nasa edad 7 hangang 17 ay sumusubaybay sa mga cartoons na galing sa bansang Hapon.

Ang mga palabas na katulad nito ay nakakapagbigay ng kasiyahan sa kabataan. Nabibigyan sila ng paraan upang mailabas ang kanilang tinatagong saloobin at napagbubuti rin ang kanilang pagiging malikhain.

Ngunit, ang labis na panonood nito’y maaaring makapagdulot ng mga hindi kanaisnais na epekto sa manonood. Mas naglalaan sila ng mahabang oras sa telebisyon kaysa sa ibang bagay na mas importante. Nagagaya nila kung anuman ang ipinapalabas at ang ilan ay wala pang alam sa kung tama ba o mali ang kanilang nagagawa.

Kung titignan ng masinsinan ang mga nangyayari ngayon sa mga kabataang Pilipino, hindi maipagkakaila na isa na rin itong problema na hinaharap ng ating bansa. Mababasa rito ang mga dapat gawin ng mga bata kapag nanonood nga anime. At sa tamang pagsubaybay ng kanilang mga magulang o mga tagapag-alaga, maiiwasan ang mga hindi dapat mangyari sa isang bata.

II. Introduksyon ng Paksa

Ano ang anime?

Ang anime ay isang daglating salita ng “animation” mula Hapon na tinatawag naman na Japanimation sa kanluran. Hindi lahat ng animation ay maituturing na anime ngunit ang mga anime ay uri ng animation.

Ang anime ay maaaring ipalabas sa telebisyon o ibenta sa pamamagitan ng VHS, VCD o DVD. May mga pelikula na anime din na ipinapalabas. Malaki ang impluwensya ng mga maiikling nobela at komiks na ito na tinatawag na “manga”. May mga istorya din na galing sa anime at mga manga na isinalin sa mga "live action" na pelikula at mga serye na ipinapalabas sa telebisyon noon at magpahanggang ngayon (http://tl.wikipedia.org/wiki/Anime).

Ang labis labis na panunuod ng telebisyon ay nakakapagdulot ng mga epekto sa nanunuod. Sa mga panahon ngayon, madalas mapapanuod sa telebisyon ang mga cartoons na nagmula sa bansang Hapon at maraming kabataang Pilipino ang nahihilig sa panunuod nito

Ang mga kabataang Pilipino ay madalas na kaharap ang telebisyon kapag nasa tahanan lamang: makikita mo silang nanunuod ng anime galing man sa lokal o foreign na network ng telebisyon. Lalong nahuhumaling sa anime ang mga kabataang Pilipino dahil sa presensya ng telebisyon na kung iisipin ay laging ginagamit ng mga bata. At dahil dito, malaki ang impluwensya ng anime sa kabataan nang dahil na rin sa telebisyon.

Katawan ng Pag-aaral

Malaki ang epekto ng ipinapalabas sa telebisyon sa mga kabataan. Ang anumang kanyang makita ay siya rin niyang ginagawa. Marami ang nagiging bayolente sa mga napapanuod nilang anime at sa kabilang banda, kakaunti lamang ang pinapalabas na mga programang may kinalaman sa edukasyon. (http://www.gov.ph/forum/thread.asp?rootID=1148&catID=7).

Napansin ng mga mananaliksik na ang mga kabataang Pilipino, mula sa edad na 7 hanggang 17, ay laging sumusubaybay sa mga anime na pinapalabas maging umaga man o hapon. Ngunit hindi naman lahat ng kabataan ay nahihilig sa panunuod ng anime sapagkat ang iba’y mas naaaliw sa paglalaro, pagbabasa at ibang palabas sa telebisyon maliban sa anime.

Hati ang opinyon ng mga kabataang Pilipino ukol sa pagpapalabas ng anime. May mga nagsabing, “Isang paraan ang anime para mailabas nila ang kanilang emosyon sa iba’t-ibang bagay”. “Nagbibigay ito ng paraan sa mga kabataan upang mas lalong maging kreeytibo”. “Nagkakaroon sila ng satisfaction habang nanunuod ng anime”. “Nagagamit ang kanilang sobrang oras”.

Ang sabi naman ng iba ay, “Hindi na nabibigyang pansin ang ibang mga bagay dahil wala nang ginawa kung hindi manuod ng anime”. “Nakakasama ang sobra-sobrang panunuod nito dahil sa ginagaya nila ang mga aksyon na ipinapakita”. “Wala nang ibang alam ang ibang kabataan kung hindi tumutok sa telebisyon at manuod ng mga paulit-ulit na palabas”.

Maaaring may sapat ng pag-iisip ang ibang kabataang sumusubaybay sa anime, ngunit hindi naman lahat ay katulad nila. Sa mga nakakatandang nahihilig pa rin sa panunuod ng anime, nagtatakda sila ng oras ng panunuod ngunit minsan ay hindi rin naman nasusunod.

Dahil sa malimit o matagal na panonood ng telebisyon, madaling rumehistro sa murang kaisipan ng mga bata ang ipinakitang tagumpay at lakas ng bidang lalaki na nagbibigay-daan sa kanila na sila ay malakas din. Kapag natatalo ng kanilang idolo ang mga kontrabida, pakiramdam ng karamihang bata ay nananalo rin sila. (http://www.abante.com.ph/issue/jan1207/istayl1.htm).
Isang patunay na ang mga anime ay may malakas na koneksyon sa mga batang nanunuod nito.
Ang anime ay merong iba’t-ibang tema tulad ng pag-ibig, labanan, karahasan, pantasya at iba pa. Ang anumang ipinapakita ng palabas ay maaaring marehistro sa kaisipan ng manunuod kung labis labis ang panunuod dito dahil na rin sa ito ay nagsisilbi sa kahit anong larangan ng buhay.

“Maraming nagagawa ang telebisyon sa isang buhay ng tao. Dahil sa iba’t ibang klase ng programang napapanood sa telebisyon ay nagkakaroon ng aliw at telenobela ang ating buhay. Ibat ibang klaseng aliw na maibibigay sa atin tulad ng drama, komedya, katatakutan, aksyon, cartoon (kasama na ang anime), at iba’t ibang klase ng programa na maaaring makaaliw sa atin. Dahil din dito ay nagkakaroon ang mga tao ng iba’t-ibang pananaw sa buhay dahil ang mga programang nagbibigay sa atin ng aliw ay kadalasan na din nagbibigay ng impluwensya kung papaano ang dapat na takbo ng ating buhay.” (
http://betlo.tabulas.com/)

Sa panahong usong-uso ang cable tv, nagkakaroon ng mas mabilis at madaling akses ang mga kabataan sa panonood ng anime. Mayroong mga istasyong puro anime lamang ang ipinapalabas buong maghapon at buong magdamag. Kung merong telebisyon ang isang bata sa kanyang sariling kwarto, pagdating ng gabi at pinapatulog na siya ng kanyang magulang, maaaring tuluyan pa rin siyang manuod ng paborito niyang palabas habang ang kanyang ama’t ina’y humihilik na.

Ang mga dalubhasa ay nagpapayo na ang panunuod ng telebisyon ng 30 minuto ay sapat na para sa isang araw. Ang isa pang nakikitang problema ay ang aksidenteng maaaring mangyari habang ang bata ay abalang mag-isang nanonood ng telebisyon.
(http://www.abante.com.ph/issue/jan1207/istayl1.htm).Ang tuluyang pagkahumaling sa palabas na anime ay nagdudulot sa mga kabataang Pilipino ng aliw at iba pang magaganda at masasamang epekto. Ngunit, hindi naman kailangang humantong ang lahat sa negatibong resulta kung meron namang paraan para may mga lumabas ding positibong resulta.

Konklusyon

Ang labis labis na panonood ng kinahihiligang anime ay may malawak na epekto sa mga kabataang Pilipino. Hindi lamang sila nabibigyan ng kasiyahan, bagkus, isa pa itong magandang paraan para lalong lumawak ang imahinasyon nila at mapagbuti ang pagiging kreeytibo. Sa pamamagitan ng mga babasahin, komiks, lalo na ang telebisyon, at iba pa, nagkakaroon ng madaliang akses sa anime ang mga kabataan. Sa panahon ng bakasyon o sa mga oras na walang magawa, ang anime, lalo na ang mga naipapalabas sa telebisyon, ang nagiging kasama, kausap at kalaro ng mga kabataan. Ang ibang palabas na anime ay nababase sa wikang ingles at sa labis labis na panonood ng anime na nakabase sa wikang ingles, sila’y natututo na rin sa pagsasalita nito.

Ngunit tulad nga ng sabi ng nakararami, ang anumang sobra ay hindi rin nakakabuti. Ang pagkababad ng mata sa iba’t-ibang gawain ay nakakasama. May mga pag-aaral na nagsasabing ang sobrang panonood ng telebisyon ay hindi rin maganda para sa katauhan ng isang bata. Minsan sila’y nagiging mapusok o kung anu pa man depende sa iniidolo nilang karakter. Sa pagkatuto ng wikang ingles sa pamamagitan ng panunood ng anime ay maaaring makatulong mismo sa bata, ngunit papaano naman ang wikang Filipino kung puro ingles lang na anime ang kanyang pinapanood? Kung tapos na ang bakasyon at panahon na muli ng pagpasok sa eskwelahan, mahihirapan na mismo ang bata na mag-adjust ng oras sa pag-aaral at maagang pagtulog. Sa mga mas nakakatandang nahihilig pa rin sa panonood ng anime, nakakapagtakda sila ng oras para sa ibang gawain, ngunit ang problema naman ay hindi ito laging nasusunod.

Ang mga dalubhasa ay nagbigay ng proposal ng tamang oras lamang sa panunood ng telebisyon. Ang labis na pagkahumaling sa anime ay lalo pang lumalala sa impluwensyang nadudulot ng telebisyon. Ang anime bilang isang paraan ng kaaliwan ay hindi lamang laging kaaliwan ang dulot, sapagkat maaari itong makapagbigay ng iba pang epekto sa manunood, lalo na sa mga kabataang Pilipino ngayon.

~vyml~